Handang isakripisyo ng 21-taong-gulang na si Alex Eala ang pakikilahok sa malaking WTA Tour upang masungkit ang pangarap na gintong medalya sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ayon kay Philippine Lawn Tennis Association (Philta) executive director Tonette Mendoza, makikipag-ugnayan sila sa WTA upang payagan si Eala na laktawan ang China Open na nakatakda sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 11.
Nag-o-overlap ang iskedyul ng China Open, isang prestihiyosong WTA 1000 event na may malaking papremyo at ranking points, sa mismong pagdaraos ng Asian Games mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 3.
Sa kabila ng malaking halaga ng premyo at mahalagang puntos na posibleng mawala sa kaniya sa WTA, buo pa rin ang desisyon ng Filipino tennis star na maglaro para sa bansa anuman ang maging tugon ng alyansa.
Matapos makakuha ng tanso noong 2023 Hangzhou Asian Games, mas malaki na ang tsansa ngayon ng kasalukuyang World No. 20 na makuha ang pinaka-aasam na ginto.
Kung matagumpay na magkakampeon, si Eala ang magiging kauna-unahang Pilipinong manlalaro ng tennis na mag-uuwi ng titulo sa Asian Games mula noong magwagi si Johnny Jose noong 1962.














