-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing itinanggi ni incumbent Misamis Occidental Governor Henry Oaminal ang paratang sa kampo ni Bonifacio town Mayor Samson Dumanjog na kinaladkad ito palabas sa kanyang opisina dahil sa panibagong ipinataw na 60 days suspension order.

Ito ay matapos nag-viral sa social media ang mala-pelikula na eksena na pagpigil ni Tambulig,Zamboanga del Sur Mayor Charlotte Dumanjog-Panal sa mga pulis at civilian rescue personnel upang hindi maituloy ang pag-transport ng kanyang ama patungo sa ospital.

Una rito,habang pinigilan ng alkalde at kinu-kuwestiyon ang mga pulis kung nasaan ang legal order pagpapaalis sa katungkulin ng ama ay naikuwento ng kanyang ama na tinutukan umano ito ng baril,ginapos at pilit turukan ng kemikal.

Subalit sa pagpapaliwag rin ni Oaminal na lahat ng uri ng due process ay ibinigay nila sa pamilyang Dumanjog.

Iginiit ng gobernador na walang ilegal sa kanilang ginawa bagkus ay sinunod nila ang lahat ng mga nakasaad sa batas.

Nagsimula ang tensyong-politikal nang ipinatawan ng 60 days suspension order ng Sangguniang Panlalawigan ang Bonifacio town mayor kasama ang kanyang maybahay na bise-alkalde rin ng munisipyo.

Subalit kinontra ito ng Malakanyang na hakbang ng SP-MisOcc kaya panibagong 60 days suspension order ang inilabas na pinagbasehan ng mga otoridad na sapilitang alisin sa opisina si Dumanjog.