-- Advertisements --

Ikinababahala ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang umano’y pagpositibo ng maraming mga dayuhang mangagagawa ng Philippine offshore gaming operator (POGO) sa iba’t-ibang sexually transmitted disease.

Ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz, umabot na sa 66 na naarestong POGO workers ang nagpositibo sa mga mapanganib na sakit na kinabibilangan ng human immunodeficiency virus, syphilis at hepatitis B.

Nakababahala aniya na mayroon pang hanggang 9,000 dayuhang mangagawa sa mga POGO hub ang posibleng pagala-gala.

Kailangan aniyang mahuli ang mga ito sa lalong madaling panahon upang masuri kung positibo rin sila sa nakakahawang sakit, at hindi lalong lumaki ang krisis na dulot ng mga ito.

Katwiran ng PAOCC chief, hindi alam ng pamahalaan ang ginagawa ng mga ito araw-araw. Posibleng sa halip na magpagamot sila ay posible aniyang lalo lamang silang magkakalat ng sakit.

Sa kasalukuyan, mayroong 700 dayuhan ang naghihintay ng deportation habang nasa loob ng PAOCC detention facility sa Pasay.

Isang dayuhan na ang nasawi dahil sa kumplikasyon sa HIV, batay sa record ng komisyon.