-- Advertisements --

Kumitil na ng 46 na Palestinians ang dalawang magkahiwalay na air strikes na inilunsad ng Israel sa nakalipas na magdamag ayon sa medics at civil defense officials.

Kabilang sa tinamaan ang Fahmi Al-Jargawi School sa Gaza City na nagsisilbing shelter ng daan-daang pamilyang na-displace mula sa Beit Lahia town na kasalukuyang dumaranas ng matinding pag-atake ng Israeli military.

Ayon sa tagapagsalita ng civil defense sa Gaza na pinapatakbo ng Hamas, narekober ang 20 labi kabilang ang mga bata kung saan marami sa mga ito ang matinding nasunog matapos lamunin ng apoy ang dalawang silid aralan na ginawang living quarters. Ilan din sa mga survivor ang nagtamo ng critical injuries.

Base sa local reports, kabilang umano sa mga napatay ay si Mohammad Al-Kasih, ang pinuno ng investigations for the Hamas police sa northern Gaza kasama ang kaniyang maybahay at mga anak.

Bago ito, tinamaan ng air strike ng Israel ang isang bahay sa central Gaza City na kumitil sa apat na katao.

Ang dalawang pag-atake ay parte ng mas pinalawak pang opensiba ng Israel na umabot na sa hilagang parte ng Gaza sa nakalipas na linggo.

Sa panig naman ng Israeli Defense Forces (IDF), tinarget umano nila ang isang Hamas at Islamic Jihad command at control centre.

Ginagamit aniya ang naturang lugar ng mga terorista para pagplanuhan ang pag-atake laban sa mga sibilyang Israeli at mga tropa ng IDF at inakusahan din ang Hamas ng paggamit sa mga mamamayan ng Gaza bilang “human shields”.