Mismong si dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre umano ang magpupursige na masiyasat siya ng anumang investigating body para malinis ang pangalan mula sa mga alegasyon ukol sa “pastillas scheme.”
Ayon kay Aguirre sa exclusive interview ng Bombo Radyo, nakahanda siyang sumulat sa Senate panel upang marinig ang panig nito laban sa mga alegasyon ni special envoy to China Ramon Tulfo.
Matatandaang inakusahan ni Tulfo bilang protektor ng mga sangkot sa iligal na gawain sa Bureau of Immigration (BI) si Aguirre.
Pero buwelta ng dating cabinet official, may personal lamang na galit sa kaniya ang special envoy kaya pilit na binabato ng sari-saring alegasyon.
Nakahanda raw ang kaniyang mga sagot sa lahat ng akusasyon ni Tulfo, kaya hiling niya sa mga senador na pagharapin silang dalawa sa darating na Senate inquiry.
“Sinungaling yan si Tulfo. Kaya handa akong humarap sa Senado para masagot ang lahat ng akusasyon ng taong yan,” wika ni Aguirre.
















