Lalo pang lumakas ang suporta ng mga kabataan sa agriculture at fishery programs ng gobyerno, matapos tumama ang pandemya.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Asec. Liza Battad sa panayam ng Bombo Radyo, nakita ng marami na kahit sa panahon ng pandemya ay tuloy-tuloy ang pangangailangan sa pagkain.
Nakadagdag pa sa work force ang mga umuwi sa mga lalawigan mula sa Metro Manila, sa ilalim naman ng balik probinsya program.
Marami rin kasi ang nawalan ng trabaho at sumubok sa buhay sa mga lalawigan.
Pero para kay Asec. Battad, mas mainam na simulan ang pagtuturo ng farming at fishery sa mga batang gulang upang higit pa nilang mapagyaman ang kanilang kaalaman.
Malaking bagay din umano ang pagpasok ng ilang youth agriculture ambassador upang mahimok ang kanilang followers na sumubok na rin ng ganitong mga sistema.
Maliban sa actual na pagbubungkal ng lupa at pangingisda, maaari ring mag-invest ng kapital ang ilang kabataan na may sarili nang ipon.