NAGA CITY – Tuluyan nang binawian na ng buhay ang dating alkalde ng Pagbilao, Quezon na si Romeo Portes.
Ito’y 10 araw mula nitong November 24 nang barilin si Portes ng dalawang hindi pa rin natutukoy na mga suspek.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na pasado alas-4:00 ng hapon nitong Biyernes nang kinumpirma mismo ni Pagbilao Mayor Shierre Ann Portes-Palicpic na pumanaw na ang kanyang ama.
Nabatid na isinasagawa na rin mismo sa St. Lukes Hospital sa Taguig City ang autopsy sa 73-anyos na dating alkalde.
Aabot naman sa P500,000 ang inalok na pabuya ng pamilya Portes sa kung sino man ang makakapagturo at makakahuli sa mga suspek.
Kaugnay nito, nagpapatuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga otoridad sa mga suspek.
Una rito, ilang araw lamang ang nakakalipas nang matagpuan ng mga otoridad sa Barangay Bukal, Pagbilao Quezon ang motorsiklong ginamit ng mga suspek na tinatayang tatlong kilometro lamang ang distansya nito sa pinangyarihan ng krimen.
Samantala, kinondena ni Provincial Director P/Col. Audie Madrideo ang nasabing pangagayri kung saan tiniyak nito na pananagutin ang mga suspek.