-- Advertisements --

Ipinangako ng Armed Forces of the Philippines na patuloy pa nitong palalakasin ang kanilang kakayahan na maprotektahan ang Pilipinas laban sa anumang uri ng banta.

Ito ang binigyang-diin ni AFP Chief of Staff General Andres Centino sa isang pahayag kasabay ng pakikiisa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa paggunita sa ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.

Dito ay kinilala ni Gen. Centino ang mga bayaning nakipagbaka at nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan at ikabubuti ng bayan.

Kasabay nito ay tiniyak din niya na handa at patuloy na gagampanan ng buong hukbo ng AFP ang tungkuling panatilihing mapayapa at nagkakaisa ang bawat isa para sa bansa habang nagsusumikap na palakasin pa ang kakayahan nito pandepensa.

Kaugnay nito ay binigyang-diin niya na patuloy na makakaasa ang taumbayan na mananatiling tapat sa paglilingkod ang AFP alinsunod sa kanilang tinutupad na mandato.