Nakataas na ang hightened alert status ang Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang paghahanda pa rin sa mga epekto na dulot ng Supertyphoon Nando.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Camp Aguinaldo, inihayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ang pagaakyat ng antas ng alerto na ito ay naglalayon na makapagbigay ng mabilis at epektibong serbisyo sa publiko sa gitna ng sama ng panahon at kahit ano pang kalamidad.
Sa ilalaim nito, nakahanda na at nakastandby ang lahat ng assets ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas partikular na ang mga rescue boats, militart trucks para sa mabilis na pagtugon sa mga rescue at evacuation sa National Capital Region (NCR) at maging sa kalapit na mga lalawigan.
Ani Padilla, maliban sa mga assets na mayroon ang kanilang hanay, nakahanda na rin ang kanilang medical teams at maging ang kanilang search and rescue teams kung sakali man na ito ay kailanganin ng mga mamamayang pilipino.
Maliban dito, nakahanda na rin ang iba pang AFP units sa iba’t ibang apektadong rehiyon upang makapagbigay at magkasa ng disaster response operations.
Samantala, patuloy naman ang koordinasyon ng Sandatahang Lakas sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDDRMC) at maging sa Office of Civil Defense (OCD) upang patuloy na mamonitor ang sitwasyon at epektong dala ng Supertyphoon Nando.