Nanindigan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) na hindi sila maaapektuhan ng anumang usaping pampulitika at pakikinggan nila ang opinyon ng mga Pilipino.
Ito ang iginiit ng AFP matapos lumabas ang resulta ng “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research kung saan 7 sa 10 Pilipino ang hindi sang-ayon na makialam ang militar sa pulitika.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sa halip na pansinin ang mga usaping pampulitika, mas pagtutuunan nila ng pansin ang kanilang tungkulin na protektahan ang mga Pilipino ayon sa Saligang Batas.
Binigyang-diin niya na hindi trabaho ng AFP ang makisali sa pulitika. Ang dapat nilang gawin ay bantayan ang bansa, panatilihin ang kapayapaan, at ipatupad ang batas.
Nauna rito, tinawag ng Association of Generals and Flag Officers (AGFO) na isang malaking pagtataksil ang anumang pagtatangka na pabagsakin ang kasalukuyang pamahalaan o magtayo ng isang military junta.
















