
Bumuo na ng probe team ang AFP para imbestigahan ang pagbagsak ng C130 cargo aircraft.
Nasa Sulu na ngayon ang mga investigators at sinisimulan na ang kanilang pag-iimbestiga.
Ang probe team ay binubuo ng mga technical experts at piloto na nagmula sa Air Mobility Command ng Philippine Air Force (PAF).
Aalamin ng investigating team ang dahilan ng pagbagsak ng C130.
Ikinokonsidera naman ng AFP na “tragic” ang pagbagsak ng C130 aircraft kung saan 47 ang nasawi 49 ang sugatan.
Ayon kay AFP spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo, hintayin na lamang ang resulta ng imbesgasyon para mabatid ang sanhi ng pagbagsak ng C130 plane.
Apela naman nila sa publiko lalo na sa mga netizen na huwag magpakalat ng mga pekeng impormasyon.
Ang AFP ay mayroong apat na C130 ma liban sa nasabing bumagsag, isa ang grounded ngayon at dalawa naman ang nire-repair sa Portugal at isa pa ang nakatakdang i-deliver.
Samantala, iniutos na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang ‘full investigation’ sa pagbagsak ng C130 plane sa Sulu na ikinasawi ng 47 sundalo at tatlong sibilyan.
Ayon kay Lorenzana, nais niyang malaman ang buong pangyayari at ang kompletong detalye na naging sanhi sa pagbagsak ng C130.
Mabigat aniya ang kanyang loob lalo pa’t marami ang nasawi.
Kasunod nito, kanyang iginiit na walang basehan ang mga alegasyon na depektibo ang mga kagamitang binili ng AFP.
Aniya, ang mga malisyosong ispekulasyon ay pambabastos sa mga apektadong tauhan ng Air Force at kanilang mga pamilya.
Sa ngayon aniya, ang tinututukan ng militar ay ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima.
Nananawagan din sya ng panalangin para sa mga biktima ng trahedya.