-- Advertisements --

Labing-pitong (17) katao ang inaresto at sasampahan ng kaso matapos umanong mambato at sunugin ang isang trailer truck sa gitna ng protesta kontra korapsyon sa Mendiola, Maynila nitong Linggo, Setyembre 21, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ang mga inaresto ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Manila Police District (MPD).

Sa isang pahayag, iginiit ng PNP ang paggalang sa karapatang magpahayag ng mga mamamayan, ngunit nanawagan ng katahimikan at pag-iwas sa karahasan.

Dagdag pa ng pulisya, mananatili silang nakatuon sa maximum tolerance, ngunit kikilos laban sa sinumang mananakit o maninira ng ari-arian.

Ang mga kilos-protesta ay dinaluhan ng karaniwang mamamayan, at ilang personalidad mula sa showbiz bilang panawagan para panagutin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno, lalo na kaugnay ng korapsyon sa mga flood control projects.

Naganap ang mga pagtitipon sa Rizal Park (Luneta), Mendiola, at EDSA Shrine, kasabay ng anibersaryo ng pagdedeklara ng Batas Militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.