Kapwa mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang panibagong mga isyung umuugong ngayon pahinggil sa umano’y pagbabawal sa ilang mga retired generals na makapasok sa mga kampo ng Camp Crame at Camp Aguinaldo.
Ang mga bali-balitang ito ay pumutok kasunod ng kamakailan na muling pag-usbong ng isyu ng umano’y destabilisasyon ng ilang retiradong heneral ng PNP at AFP laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Giit ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. wala itong katotohanan at wala aniya siyang ibinababang direktiba hinggil sa ganitong uri ng kautusan na nagbabawal na papasukin ang mga retiradong heneral sa kampo ng national headquarters ng Pambansang pulisya bagay na parehong binigyang-diin ng AFP.
Kung maaalala, nakasaad sa mga lumabas na ulat ukol dito na ang issuance umano ng stickers para sa mga retired officials ng PNP at AFP upang mapahintulutang makapasok sa loob ng Kampo Crame at Kampo Aguinaldo ay kasalukuyang pina-hold umano at isailalim sa kaukulang pagsusuri na layuning mapigilan daw ang anumang uri ng untoward incident.
Ngunit paliwanag ng bagong tagapagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si LTCol. Francel Margareth Padilla, ang mahigpit na pagbabantay sa mga tarangkahan ng Camp Aguinaldo ay bahagi na ng standard operating procedure na normal nang ipinapatupad ng mga sundalo sa mga nagnanais na pumasok sa loob ng kanilang kampo.
Ang naging pahayag na ito ng bagong tagapagsalita ng sandatahang lakas na si LTCol. Padilla ay kasunod ng pormal na pagpapakilala sa kaniya ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. bilang kapalit ni Col. Medel Aguilar sa naturang tungkulin.
Kasunod ito ng isinagawang command conference ng AFP kaninang umaga na pinangunahan pa mismo ni Pangulong Marcos Jr. kung saan kabilang sa kanilang mga natalakay ay ang mga usapin na may kaugnayan sa paglaban sa local at communist terrorist groups sa bansa, kasabay ng patuloy at mas maigting na pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea, at maging sa pagtugon sa mga kalamidad at sakuna na posibleng kaharapin pa ng ating bansa sa mga susunod na panahon.