-- Advertisements --

Pansamantalang nakalaya mula sa Taguig City jail ang actor na si Vhong Navarro.

Ito ay matapos na maglagak ng P1- milyong piyansa ang kaniyang abogado para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.

Inilagak ang piyansa sa Taguig Regional Trial Court Branch 69 na siyang korte na sumasakop sa reklamong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo laban sa actor.

Pinayuhan din ng korte ang actor na ito ay provisional freedom lamang basta sa kondisyon na ito ay dapat dumalo sa korte tuwing may pagdinig sa kaso nito.

Ayon sa abogado ng actor na si Atty. Maggie Abraham Garduque na nangayayat ang actor ng bisitahin nila ito kaya bibigyan nila ito ng pagkakataon na mamamahinga muna.

Magugunitang nitong Martes ay naglabas ng kautusan ang Taguig Regional Trial Court na pagpayag sa actor na maglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P1-milyon para sa pansamantalang kalayaan nito dahil sa reklamong rape na inihain ng modelong si Cornejo.

Nakasaad din sa order na hindi pa lubos na kumbinsido ang korte na guilty ang actor mula sa reklamo ng modelo dahil sa paiba-iba ang pahayag nito.