(Update) CEBU CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ng pananambang-patay sa isang abogado sa Negros Oriental.

Kinilala ang nasawi na si Atty. Anthony Hernandez Trinidad.

Sugatan naman ang asawa nito na si Novie Marie Trinidad, kapwa mula San Carlos City.

Ayon kay police executive Master Sgt. Jerome Delara ng Negros Oriental Provincial PNP, kagagaling ng biktima sa pagdinig ng isang kaso sa bayan ng La Libertad kasama ang asawa na secretary ng kanilang law firm nang mangyari ang krimen.

Batay sa ulat, pinaulanan ng riding in tandem suspects ang sasakyan ng mag-asawa hanggang sa bumangga ito sa pader.

Nadamay din sa insidente ang isang tricycle driver na napadaan sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Matapos marespondehan ng pulisya ay agad daw dinala sa pagamutan ang mag-asawa ngunit dead on arrival na ang lalaking Trinidad.

Ligtas naman ang tricycle driver habang kritikal ang asawa ng nasawi.

Ayon sa pulisya posibleng may kinalaman ang kasong hawak ng abogado sa krimen kaya pinag-aaralan na rin daw ito ng mga imbestigador.