-- Advertisements --
01

CEBU CITY – Nanawagan ngayon ang Eastern Visayas Integrated Bar of the Philippines (IBP) Governor Emeritus Atty. Elaine Mae Bathan sa national IBP, Supreme Court (SC) at national government na tulungan silang mga abogado na matigil na ang pagpatay sa kanilang mga kasamahan.

Kasunod na rin ito sa pag-ambush patay sa isa na namang Cebuano lawyer na si Atty. Rex Jesus Mario Fernandez, 64-anyos sakay ng kanyang pribadong sasakyan kahapon sa Duterte St., Banawa, Barangay Guadalupe, lungsod ng Cebu.

Inilarawan ni Atty. Bathan na very alarming at isang serious concern sa legal community ang pagpatay ng mga abogado na ginagawa lamang ang sinumpaang trabaho.

Aniya, marami ng abogado ang pinatay ngunit ilang porsiyento lamang nito ang nakamit ang hustisya.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen na ikinamatay ni Atty. Fernandez.

Nabatid na kahapon ang ika-13 araw ng hunger strike ng abogado kaugnay sa protesta nito laban sa management ng condominium na kanyang tinitirhan matapos itong pinutolan ng supply ng tubig kahit na nag-isyu na ng injunction ang korte.