
Muling ipinagpatuloy ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation sa “ninja” cops issue ngayong umaga.
Sa pagpapatuloy ng preliminary investigation, nagsumite ng reply sa counter affidavit ng mga tinaguriang ninja cops ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tumatayong complainant sa kaso.
Inatasan naman ng DoJ panel na nag-iimbestiga sa kaso ang ilang respondent na magsumite ng kanilang rejoinder affidavit sa susunod na pagdinig.
Mahigpit ang utos ng panel na kapag hindi na makakapagsumite ang mga pulis ng kanilang rejoinder affidavit ay agad lang silang impormahan.

Hindi na sumipot sa pagdinig sina dating PNP chief at retired General Oscar Albayalde maging si Police Major Rodney Raymundo Louie Juico Baloyo IV na sinasabing team leader sa isinagawang raid sa Pampanga noong 2013.

Isasagawa ang susunod na pagdinig sa Nobyembre 18 dakong alas-10:00 ng umaga.
Naungkat ang isyu ng ninja cops sa pagdinig ng Senado sa isyu ng good conduct time allowance (GCTA) Law.
Sinasabing sa isinagawang raid sa Pampanga noong 2013, nasa 200 kilo ang nasabat na shabu pero 38 kilo lang ang isinurender ng mga ninja cops para sa imbentaryo.
Mga kasong paglabag sa Sections 27, 29 32 at 92 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa Section 3(a) at (e) ng RA 3019 Qualified Bribery (Art 211-A ng RPC) Falsification of Public Documents (Article 171 ng RPC at Penury in Solemn Oaths sa ilalim ng Article 183 ng RPC at Article 208 ng RPC o dereliction of duty against officers and personnel of the Philippine National Police (PNP) ang isinampa sa mga respondent.
Kabilang naman sa DoJ panel of prosecutors na nag-iimbestiga sa kaso sina Senior Assistant State Prosecutor Alexander Suarez, at Assistant State Prosecutors Josie Christina Dugay at Gino Paolo S. Santiagso.
















