-- Advertisements --

Ibinunyag ng Truth Commission na mayroon silang dokumentadong bilang na patayan na 8,320 na may kaugnayan sa anti-drug campaign ni dating pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2022.

Ayon sa Truth Commission, na ang nasabing bilang ay maaring tumaas pa dahil sa hindi pa tapos ang Victims Registry.

Ang registry records ay galing sa kanilang pagsisiyasat, ulat sa balita, government files, mga records ng simbahan at mga nakaligtas kasama na rin ang mga pahayag ng mga pamilya at forensic reviews.

Ibinabala ng commission na ang bilang ay hindi maikukumpara sa bilang ng gobyerno na mayroon lamang daw na 6,252 ang nasawi sa anti-drugs operations ng hanggang Mayo 2022.

Karamihan sa mga nasawi ay mayroong edad na mula 25 hanggang 54 kabilang ang 60 na bata na may edad 18 pababa.

Nagtala sila na ang pinakabatang nasawi ay edad isang taong gulang lamang.

Sinabi naman ni Justice Secretary Fredderick Vida na kanilang sisiyasatin ng binuong panel ang findings ng Truth Commission kapag ito ay naipasakamay na sa kanila.