Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na suplay ng pagkain at mga produktong agrikultural sa bansa upang tugunan ang inaasahang pagtaas ng demand ngayong nalalapit na holiday season.
Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra, ang pagtiyak na ito ay nakabatay sa mga direktang ulat at feedback na kanilang natanggap mula sa mga lokal na magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ipinaliwanag ng opisyal na nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas at manok, habang mababa naman ang presyo ng isda sa mga pamilihan, bagama’t bahagyang tumaas ang halaga ng mga highland vegetables.
Upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga bilihin, patuloy ang interbensyon ng kagawaran na direktang ilapit ang ani ng mga magsasaka sa merkado nang hindi na dumadaan sa mga middleman.
Dagdag pa ni Guevarra, sinisikap ng gobyerno na mapanatili ang malayang kalakalan o free market upang hindi masakal ang galaw ng ekonomiya at makapagbigay ng patas na pagkakataon sa mga negosyante at mamimili.
Kasabay nito, iginiit ng ahensya na araw-araw ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa mga pamilihan upang maramdaman ng mga konsyumer at tindero ang presensya ng gobyerno at maiwasan ang pananamantala sa presyo ngayong kapaskuhan.
Samantala, sa isinagawang price monitoring ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga pangunahing palengke sa lungsod, nabantayan ang kasalukuyang galaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin ng bawat pamilya. Sa bigas, naglalaro sa P40 hanggang P53 kada kilo ang local regular-milled rice, P50 hanggang P53 naman ang well-milled, habang umaabot sa P54 hanggang P60 kada kilo ang premium rice.
Pagdating naman sa karne, pumapalo sa P170 hanggang P250 kada kilo ang presyo ng manok depende sa parte nito. Sa karne naman ng baboy, pinakamababa ang pata sa halagang P380 kada kilo, sinusundan ng buto-buto na nasa P400, habang umaabot sa P420 kada kilo ang pigue at pork chop.
Sa mga lamang-dagat at gulay, naitala sa P180 kada kilo ang tilapia, P300 ang bangus, at P360 naman ang galunggong. Habang sa mga pangunahing sangkap sa pagluluto, nasa P80 kada kilo ang sibuyas, P100 ang kamatis, at pumapalo sa P180 kada kilo ang bawang.















