-- Advertisements --

Kinilala ng testigo ng defense team ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Rainer Dela Fuente na may mga red flag o kahina-hinalang detalye sa mga transaksyon ng Cale 88 Foods Corporation, ang kumpanyang iniuugnay sa asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa impeachment trial, inilatag niya ang datos mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakitang umabot sa mahigit P700 milyon ang kabuuang perang pumasok sa Cale88, habang halos P200 milyon lamang ang idineklara nitong kita sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Tinukoy rin ni Hontiveros na dalawa lamang ang empleyado ng kumpanya ngunit nakakuha ito ng halos P300 milyon mula sa mga kumpanya sa China, bukod pa sa 757 covered transaction reports (CTRs) at suspicious transaction reports (STRs) na may kabuuang halagang P1.2 bilyon.

Bilang dating opisyal ng AMLC, kinumpirma ni Dela Fuente na maituturing itong red flag, ngunit nilinaw niyang hindi ito direktang nangangahulugan ng paglabag sa batas at nangangailangan pa ng karagdagang pagsusuri at patunay.

Dagdag pa niya, normal sa mga korporasyon ang maraming pumapasok at lumalabas na transaksyon at may mga kumpanyang mas marami pang rekord ng CTRs at STRs kaysa sa Cale88, bagama’t nakadepende pa rin sa AMLC ang pagturing sa mga ito bilang kahina-hinala.

Samantala, sa pagtatanong naman ni Senate President Sherwin Gatchalian, inamin ni Dela Fuente na kinakailangan pang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa tinatayang P2.7 bilyon na transaksyon sa bangko na iniuugnay kay Duterte, pati na rin sa pagkakaiba ng humigit-kumulang P700 milyong transaksyon sa AMLC noong 2009 kumpara sa P600,000 lamang na nakatala sa BIR.

Ayon kay Dela Fuente, nararapat na suriin ang mga orihinal na rekord mula sa bangko gaya ng bank statements, deposit slips, at withdrawal slips upang matukoy ang pinagmulan ng pondo, habang ipinaubaya naman niya sa impeachment court ang pagpapasya kung maituturing bang impeachable offense ang nasabing mga pagkakaiba sa dokumento.