Binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros na ang tunay na pagkakaisa ng mga Pilipino ay hindi lamang nasusukat sa pagkakaroon ng iisang paniniwala kundi sa kahandaang manindigan at magkaroon ng pananagutan sa isa’t isa.
Sa kanyang talumpati sa 51st Philippine National Prayer Breakfast nitong Miyerkules, ika-labingwalo ng Nobyembre, ibinahagi ng senador ang kahalagahan ng solidarity o pakikiisa sa kapwa, lalo na sa panahong nahaharap ang bansa sa iba’t ibang suliranin.
Inihalimbawa ni Hontiveros ang sama-samang pagkilos ng libo-libong Pilipino na nagtipon sa ilalim ng matinding sikat ng araw upang manawagan umano ng pananagutan kaugnay ng korapsyon sa flood control projects.
Para sa senador, ang ganitong pagkilos ay nagpapakita ng pagkakaisa ng mga mamamayan sa paghahangad ng pananagutan, lalo na sa mga usaping may direktang epekto sa kanilang buhay at kapakanan.
Inihalintulad din ni Hontiveros ang mga pagkilos sa bansa sa malalaking protesta sa Indonesia at Nepal noong nakaraang taon, gayundin sa France kamakailan.
Aniya, nagtipon din ang mga mamamayan sa mga bansang ito upang ipahayag ang kanilang mga hinaing tungkol sa pamamahala, hindi pagkakapantay-pantay, at kahirapan sa ekonomiya.
Ipinaliwanag pa ni Hontiveros na ang tunay na pagkakaisa ay nakikita sa malasakit at pananagutan ng bawat isa sa kapwa, gayundin sa kahandaang kumilos para sa kapakanan ng iba.
Binigyang-diin niyang hindi dapat manaig ang pansariling interes, kundi ang pagpapahalaga sa dignidad ng bawat tao at ang pagkilala na may pananagutan ang bawat isa sa kanilang kapwa.
Matatandaang isinagawa ang 51st Philippine National Prayer Breakfast na naglalayong pagtibayin ang sama-samang pananalangin para sa bansa at sa mga namumuno rito.













