Nilagdaan ng Pilipinas at Australia ang panibagong Defense Cooperation Arrangement (DCA) na naglalayong palakasin ang ugnayang pandepensa ng dalawang bansa, kabilang ang mas mabilis na koordinasyon sa mga aktibidad militar at pagtugon sa mga kalamidad.
Pinagtibay nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Australian Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown ang kasunduan noong Linggo, Nobyembre 15, sa Eva Macapagal Cruise Terminal sa Manila South Harbor.
Nasaksihan naman ang paglagda ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na nasa Pilipinas para sa 49th ASEAN Summit.
Ipinaliwanag ni Teodoro na pangunahing layunin ng bagong kasunduan na pasimplehin ang mga proseso sa ilalim ng Philippines-Australia Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) upang mapabilis ang koordinasyon at pagsasagawa ng mga aktibidad ng militar ng dalawang bansa.
Aniya, sa halip na dumaan sa napakaraming hakbang para maisagawa ang isang aktibidad, inaasahang magiging mas simple at mas mabilis na ang proseso.
Kabilang sa mga saklaw ng kasunduan ang mas maraming pinagsamang aktibidad sa karagatan, himpapawid at lupa, gayundin ang military exercises, pagbabahagi ng impormasyon at pagpapalakas ng kakayahan ng kanilang mga puwersang militar.
Isa rin sa mga binigyang-diin ni Teodoro ang magiging pakinabang nito sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa kalihim, mababawasan ang mga kinakailangang permit at proseso upang mas mabilis na makaresponde ang mga puwersa ng Australia kapag nangangailangan ng tulong ang Pilipinas.
Kasama rin sa mga usaping mapapadali ang koordinasyon sa pagkuha o pagbili ng mga kagamitang militar at pagsasagawa ng mga pagsasanay sa pagitan ng dalawang bansa.
Inaasahan ding makatutulong ang mas pinaigting na pagtutulungan sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas na bantayan ang mga karagatan at protektahan ang mga lugar na saklaw ng hurisdiksiyon nito.
Binigyang-diin din ni Teodoro na makatutulong ang kasunduan sa pagpapalakas ng credible deterrence posture ng bansa, partikular sa West Philippine Sea.
Samantala, bahagi rin ng mas malawak na kooperasyon ng Pilipinas at Australia ang pagpapalakas ng maritime domain awareness, information-sharing, training at interoperability ng kanilang mga puwersang pandepensa.
Nilinaw na ang bagong DCA ay hindi katulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Sa halip, magsisilbi itong mekanismo upang mas maging maayos at mabilis ang pagpapatupad ng umiiral na kasunduan sa pagbisita at pagsasagawa ng mga aktibidad militar ng Pilipinas at Australia.
Ang bagong kasunduan ay nagpapatuloy sa tatlong dekadang ugnayang pandepensa ng dalawang bansa mula nang lagdaan ang kanilang naunang memorandum of understanding noong 1995.















