Naniniwala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na senyales ng paghina ng suplay ng shabu sa bansa ang pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Ayon kay Remulla, mula sa dating P3,800 kada gramo noong 2022, umaabot na ngayon sa tinatayang P6,800 ang presyo ng shabu.
Sinabi ng kalihim na nangangahulugan ito ng mas mahirap na pagkuha ng suplay ng ilegal na droga.
“Ibig sabihin, ang supply ang mababa. Nahihirapan silang kumuha. We are winning the war on drugs. Drugs are 70% more expensive now than it was in 2022,” pahayag ni Remulla.
Inihayag ito ng kalihim noong Nobyembre 4, sa presentasyon ng 200 kilo ng shabu na nasamsam ng mga awtoridad sa Manila International Container Port (MICP) noong Oktubre 15.
Ayon kay Remulla, mas mahal na ngayon ang shabu kumpara noong 2022, na aniya’y patunay na nahihirapan ang mga nagbebenta nito na makakuha ng suplay.
Gayunman, ang pagtaas ng presyo ay hindi nangangahulugang tuluyan nang nawala ang ilegal na droga sa bansa.














