-- Advertisements --

Arestado ang isang 24-anyos na lalaki na kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons ng Southern Police District (SPD) matapos ikasa ang operasyon ng pulisya sa Makati City noong Nobyembre 2, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Alpha,” isang e-bike driver, na naaresto dakong alas-1:50 ng hapon sa Osmeña Highway, Barangay Palanan, sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.

Pinangunahan ng Warrant and Subpoena Section ng Makati City Police Station ang operasyon, katuwang ang CIDG Northern Leyte Provincial Field Unit.

Inilabas ng Regional Trial Court Branch 135 ng Makati City ang warrant noong Oktubre 27, 2026, na may rekomendasyong walang piyansa.

Binigyang-diin naman ni SPD District Director PBGEN Rodel A. Pastor ang patuloy na pagsisikap ng kapulisan na matunton at maaresto ang mga indibidwal na may kinakaharap na warrant upang maiharap ang mga ito sa hukuman.

Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng pulisya ang naarestong suspek habang isinasagawa ang kaukulang proseso para sa pagsasauli ng warrant sa korte.