Nag-positibo sa gunpowder residue ang isang volunteer ng National Bureau of Investigation (NBI) na inaresto kaugnay ng naganap na pamamaril sa loob ng Senado, ayon sa Southern Police District (SPD) nitong Linggo ng gabi.
Ayon kay SPD Public Information Office chief Police Lt. Margaret Panaga, batay sa isinagawang pagsusuri, “positive sa presence ng gunpowder” ang suspek na kinilala sa alyas na “Mel Oragon.”
Inaresto ang suspek matapos ang insidente at isinailalim sa inquest proceedings dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, alarm and scandal, direct assault, trespass to property, at paglabag sa security protocols ng Senado.
Matatandaang naganap ang insidente noong Miyerkules ng gabi sa loob ng ikalawang palapag ng Senado habang umiiral ang lockdown, na nagdulot ng takot at kaguluhan.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang hindi pa tukoy na kalibre ng baril ang ginamit umano ng suspek sa pagpapaputok ng ilang beses sa loob ng Senate compound sa GSIS area bandang ala-7:50 ng gabi.
Dahil dito binalot ng tensyon ang loob ng gusali habang nangyayari ang insidente.
Samantala, iginiit ng abogado at asawa ng suspek na siya ay isang driver lamang ng isa sa mga NBI operatives at hindi regular na empleyado ng ahensya.
















