Ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) ang panibagong rigodon sa kanilang pamunuan matapos ilipat sa mga bagong posisyon ang pitong mataas na opisyal ng pambansang pulisya.
Kabilang sa mga naapektuhan ng reorgaisasyon ang pamunuan ng dalawang police district sa National Capital Region.
Itinalaga bilang bagong pinuno ng PNP Firearms and Explosives Office si dating Eastern Police District Director Police Brigadier General Melecio Buslig Jr., habang papalit naman sa kaniyang pwesto si Police Brigadier General Roman Arugay.
Initalaga rin bilang bagong Chief ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies si dating Southern Police District Director Police Brigadier General Glenn Oliver Silvio, kung saan pinalitan naman siya sa SPD ni Police Brigadier General Rodel Pastor.
Samantala, papalit bilang bagong Chief ng Human Rights Affairs Office si dating Police Regional Office 8 Director Police Brigadier General Jason Capoy, habang ang kaniyang pwesto sa PRO-8 ay pupunan ni Police Brigadier General Romano Cardiño na pinalitan naman sa PRO Negros Island Region ni Police Brigadier General Rudecindo Reales.
Batay sa opisyal na kautusan ng pambansang pulisya, pormal na magiging epektibo ang lahat ng bagong posisyon at reassignments ngayong Lunes, Setyembre 7, 2026.














