-- Advertisements --

Tiniyak ng Eastern Police District (EPD) ang mahigpit na pagbabantay sa kabuuan ng ‘White Ribbon March’ sa araw ng Lingo, June 28, 2026.

Ayon kay EPD Acting Director Police Brigadier General Melecio Buslig Jr., nais ng naturang pulis unit na maging ligtas, maayos, at mapayapa ang kabuuan ng rally.

Nagtalaga na rin ang EPD ng mga pulis sa paligid ng EDSA Shrine upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng mga makikibahagi sa pagtitipon.

Kasama rito ang mga pulis na nagsisilbing Reactionary Standby Support Force mula sa Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan City Police Stations para sa agarang pagde-deploy kung kinakailangan.

Kasabay nito ay ang mas mahigpit na anti-criminality operations sa Eastern Manila area, pangunahin na ang mga transport terminal, pangunahing lansangan, commercial establishments, at iba pang strategic areas bago, habang, at matapos ang aktibidad.

Ayon pa kay Gen. Buslig Jr., pananatilihin ng mga pulis ang pagpapatupad ng maximum tolerance sa kabuuan, at igagalang ang karapatan ng bawat isa na ihayag ag kanilang mga saloobin.

Una nang sinabi ng PNP na mahigit 9,500 pulis ang idedeploy sa buong capital region kasabay ng panibagong White Ribbon protest. (report by Bombo Jai)