Arestado ang dalawang lalaki, kabilang ang isang wanted person na nahaharap sa limang warrant of arrest kaugnay ng carnapping, sa isang police operation sa Barangay Vasra, Quezon City, madaling-araw nitong Oktubre 30.
Dakong alas-5:45 ng umaga nang harangin ng mga tauhan ng QCPD Pasong Putik Police Station 16, katuwang ang Police Station 15, ang mga suspek na sakay ng isang puting Yamaha Aerox motorcycle sa Tacloban Street.
Ayon sa pulisya, ang 20-anyos na pangunahing suspek ay may limang warrant of arrest dahil sa paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016. Inaresto rin ang kaniyang 23-anyos na kasama matapos umanong magtangkang bumunot ng baril at manlaban sa mga operatiba.
Nasamsam sa operasyon ang isang .40-caliber pistol na may limang bala, isang hindi rehistradong .38-caliber revolver na may apat na bala, at ang motorsiklong ginamit ng mga suspek.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang posibleng pagkakasangkot ng dalawa sa isang insidente ng carnapping na naiulat noong Oktubre 25 sa Barangay Pasong Putik Proper.














