Pinalawig pa ng isang araw ng mga grupo ng mga magbababoy ang kanilang inilunsad na Pork Holiday na nagsimula kahapon, Oktubre 22, upang igiit ang agarang pagpapatupad ng pansamantalang import ban sa karneng baboy sa bansa.
Kinumpirma ito ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party-list Representative Nicanor Briones sa isang press briefing kasunod ng kanilang peaceful rally sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture.
Ayon kay Briones, layunin ng kanilang panawagan na mabigyan ng pagkakataong makabangon ang mga lokal na magbababoy mula sa patuloy na pagkalugi dulot ng pagpasok ng imported na karneng baboy sa bansa.
Iginigiit ng grupo na palawigin sa apat hanggang limang buwan ang import ban at saklawin ang lahat ng bahagi ng baboy, kabilang ang pork meat, liempo at balat, upang maiwasan ang technical smuggling na laganap din umano ngayon.
Aniya, kung hindi agad maaaksyunan ng pamahalaan ang kanilang panawagan, maaaring umabot sa bilyun-bilyong piso ang pagkalugi ng mga lokal na hog raiser.
Layunin din ng Pork Holiday na ipakita sa pamahalaan ang posibleng epekto sa suplay ng karne kapag itinigil ng mga lokal na magbababoy ang kanilang pagbebenta.
Babala ng mga grupo, kung hindi mabibigyan ng agarang solusyon ang kanilang problema, posibleng mapilitan ang maraming negosyong may kaugnayan sa industriya ng baboy na magsara sa susunod na anim na buwan.
Hindi lamang mga magbababoy ang posibleng maapektuhan ng sitwasyon kundi maging ang mga mamimili, na maaaring mahirapang bumili ng karneng baboy kapag tumaas ang presyo nito sa mga pamilihan.
Panawagan ng mga grupo sa pamahalaan na bigyang-prayoridad ang kapakanan ng mga lokal na magbababoy sa halip na unahin ang interes ng malalaking negosyante, na nakikita nilang isa sa mga hadlang sa agarang pagpapatupad ng hinihiling na import ban.
Inaasahang mararamdaman ang epekto ng tigil-benta sa suplay ng karneng baboy ngayong araw.













