-- Advertisements --

Ipinaalala ni House impeachment adviser at prosecution Spokesperson Rep. Robert Ace Barbers sa defense team na si Vice President Sara Duterte ang respondent sa impeachment trial at Hindi si Anti-Money Laundering Council executive director Ronel Buenaventura.

Ginawa ni Barbers ang pahayag matapos kuwestiyunin ng Defense si Buenaventura tungkol sa confidentiality provisions ng Anti-Money Laundering act, kabilang ang mga parusa sa unauthorized disclosure ng AMLC records.

Ayon kay Barbers, maaari umanong maituring na “Veiled threat” sa AMLC executive director at media ang naturang linya ng pagtatanong, lalo na’t binanggit ang posibleng pananagutan sa paglalabas ng confidential information.

Sinabi rin ni Barbers na nauna nang tinanggihan ng impeachment court ang motion ng defense na I-exclude ang testimony ni Buenaventura batay sa confidentiality.

Kung may nakikitang paglabag sa batas ang defense, maaari umano itong idulog sa tamang forum at magsampa ng kaukulang reklamo.

Giit ni Barbers, dapat manatiling nakatuon ang impeachment trial sa ebidensiya laban kay Duterte, partikular sa mga dokumento at datos na inihaharap ng magkabilang panig.