Nananatiling kumpyansa ang Department of Justice na mahahanap at maaresto ang puganteng si Charlie “Atong” Ang.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, tiwala sila sa mga ginagawang operasyon ng Philippine National Police o mga awtoridad na matutunton ang lokasyon ng akusadong negosyante.
Bagama’t hindi pa rin naaaresto sa kasalukuyan, patuloy aniyang nakikipag-ugnayan ang DOJ sa ‘law enforcement agencies’ ng pamahalaan.
Umaasa silang maihaharap sa hukuman ang puganteng si Atong Ang para sa mga kaso nitong kinakaharap kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
Magugunitang sinampahan ito ng mga kaso at pinaparatangan ‘mastermind’ umano sa ‘missing sabungeros case’.
Si Charlie ‘Atong’ Ang ay nahaharap sa kasong ‘kidnapping with homicide’ at ‘kidnapping with serious illegal detention’ kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa huling ibinahagi ni Prosecutor General Fadullon, napansin aniya ng kagawaran na unti-unting nawawala na ang mga pamilya o ‘complainants’ sa ‘missing sabungeros case’.
Bukod tanging isang kaanak o pamilya na lamang aniya ang patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Justice patungkol sa kasong inihain.
Gayunpaman, binigyang diin ng DOJ na hindi maapektuhan ang ‘missing sabungeros case’ kahit pa bigo nang makontak ang pamilya ng mga nawawalang sabungero.















