Kinondena ng ilang Senador ang panibagong school shooting sa Banga National High School sa South Cotabato kung saan tatlong estudyante, kabilang ang suspek, ang nasawi at anim ang naiulat na sugatan.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, hindi dapat maging normal ang mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Aniya, kailangang tugunan ang iba’t ibang salik gaya ng mental health, parental supervision, access sa baril, school security, at epekto ng online platforms sa kabataan.
Nanawagan din sina Sen. Bam Aquino at Sen. Loren Legarda para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan at pagsusuri kung paano nakakuha ng baril ang menor de edad at kung may mga warning signs na hindi agad napansin.
Iginiit ni Legarda na dapat suriin ng Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga lokal na awtoridad ang firearm safekeeping, school security protocols, reporting mechanisms at access ng mga estudyante sa mental health at psychosocial support.
Samantala, nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng pagtutulungan ng pamilya, paaralan, simbahan, komunidad at pamahalaan upang mas maunawaan ang ugat ng sunod-sunod na insidente at matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.
















