-- Advertisements --

Nakatakdang magsagawa ng isang ‘post-evaluation hearing’ ang Senate Committee on Sports upang suriin ang kabuuang paglahok at pangkalahatang performance ng Team Pilipinas sa nagpapatuloy na 2026 Asian Games.

Inihayag ito ni Senate Sports Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go habang nasa Nagoya, Japan upang personal na magbigay ng suporta at maging morale booster sa mga atletang Pilipino.

Binigyang-diin ni Go na hindi maitatanggi ang malaking kontribusyon at epekto ng mga naturalized player sa tagumpay ng isang pambansang koponan, lalo’t karaniwan na rin sa iba’t ibang bansa ang pagkuha ng mga atletang naturalized para sa mga pandaigdigang kompetisyon.

Ginawang halimbawa ng senador ang magandang ipinapakita ng Gilas Pilipinas Women’s Basketball Team na matagumpay na nakapasok sa quarterfinals ng torneo sa tulong ng kanilang naturalized player na si Elizabeth Means.

Inaasahang tatalakayin sa naturang pagdinig ang mga programa ng pamahalaan sa palakasan, ang suporta sa mga lokal na atleta, at ang mga istratehiya sa pag-naturalize ng mga manlalaro para sa mga susunod na malalaking sporting events.