-- Advertisements --

Naniniwala si University of the Philippines (UP) College of Law Assistant Professor Atty. Michael Tiu Jr. na isang istratehiya ng defense team ang personal na pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Humarap ang dating pangulo sa international tribunal noong Setyembre 16 para sa ikatlong status conference ng kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity.

Ayon kay Atty. Tiu Jr., posibleng bahagi ito ng hakbang ng bagong lead counsel upang makilatis nang husto ng ICC judges ang mental o cognitive status ni Duterte.

Maaari rin umano itong paraan ng defense team para mapatunayan sa korte na wala sa maayos na mental condition ang dating pangulo upang humarap o maunawaan ang paglilitis na magsisimula sa Nobyembre 30.

Unang nanindigan ang kaniyang mga abogado na dumaranas ang dating presidente ng severe memory loss kung saan nakakalimutan na rin umano nito ang pangalan ng kaniyang sariling mga legal counsel.

Ang naging pagharap ni Duterte sa ICC ay ang unang pagkakataong masilayan siya ng publiko mula noong Marso 14, 2025 matapos siyang maaresto sa Pilipinas.