-- Advertisements --

Positibo si Independent Commission for Infrastructure Executive Director Atty. Brian Hosaka na makakapaghain na ng kaso ang komisyon bago matapos ang taon.

Bagaman bagong-tatag pa lamang ang komisyon at kakasimula pa lamang nito sa trabaho, naniniwala si Hosaka na nasa tamang direksyon ang ICI sa mga isinasagawang serye ng imbestigasyon at pagdinig.

Sa ngayon ay malaking hamon din aniya ang limitadong bilang ng staff habang ang komisyon ay binubuo lamang ng isang chairman at dalawang commissioner na nagsasagawa ng sunod-sunod na hearing.

Ang limitadong bilang ay nahaharap aniya sa isang ‘well-oiled machine’ na binubuo ng mga sangkot sa flood control scandal tulad ng mga contractor, government officials, atbpang malalaking officials na sangkot.

Gayonpaman, siniguro ni Hosaka na naririnig ng komisyon ang hinaing at sigaw ng publiko laban sa nabunyag na malawakang korupsyon, at ang pagnanais ng mga ito na iharap sa batas ang lahat ng mga responsable.

Maging ang komisyon aniya ay nais ding magkaroon ng mabilisang pagsisiyasat sa mga kaso ng korupsyon ngunit kailangan pa ring idaan ang lahat sa legal na proseso upang masigurong solido ang ihaharap na reklamo laban sa mga responsable sa korupsyon.

Nais aniya ng komisyon na ang mga sangkot na personalidad ay walang lusot sa mga ihahaing kaso kinalaunan.