Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado ang mga mananakay na samantalahin ang muling pagbabalik ng “Love Bus”, ang kilalang serbisyo sa pampublikong transportasyon noong dekada ’70 na ngayon ay modernisado na at gumagamit ng mga electric bus para sa ligtas, abot-kaya, at makakalikasang biyahe.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang proyektong Love Bus ay layong pagaanin ang araw-araw na hirap ng mga mananakay sa Metro Manila, tulad ng matagal na paghihintay, matinding trapiko, at maruming hangin.
“Kaya tangkilikin po ninyo ang ating bagong ‘Love Bus’ para makabawas sa pasahe at makapag-ipon kahit papaano,” dagdag pa ng Pangulo.
Ayon sa Presidente, “ Mabawasan ang traffic, mabawasan ang polusyon dahil nga electric — at malaking tulong po ito para sa ating sitwasyon dito sa Metro Manila, na kung minsan napakatagal maghintay bago dumating ang bus, napakabigat ng trapik, ang bagal-bagal ng takbo na binubugahan tayo ng exhaust ng mga bus. ‘Yan ay mababawasan na po lahat.”
Ang bagong fleet ng 20 electric buses, na bumibiyahe sa iba’t ibang ruta sa Metro Manila, ay nagbibigay ng libreng sakay sa mga persons with disabilities (PWDs) at senior citizens.
Ibinahagi rin ng Pangulo na ang mga estudyante ay makakatanggap ng 50% diskwento sa pamasahe sa mga susunod na araw.
Bilang bahagi ng paglulunsad, libreng sakay para sa lahat ang ipatutupad buong buwan ng Setyembre.
Matatandaang ang orihinal na Love Bus ay inilunsad noong panahon ng kanyang ina, si dating Unang Ginang Imelda Marcos, na noo’y gobernador ng Metro Manila. Isa ito sa mga unang proyekto noon upang gawing mas accessible at abot-kaya ang pampublikong transportasyon.
Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa pagho-host ng nasabing paglulunsad, at kinilala ang pamumuno ng pamilyang Gatchalian.