-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na hindi nito isinasantabi ang posibilidad sa pagbubukas ng panibagong kaso hinggil sa mga narekober na buto sa Taal lake.

Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, kanyang ibinahagi na posibleng magbukas o mag-ungkat sa iba pang kaso ito sakaling hindi magtugma ang resulta ng DNA testing sa DNA samples ng mga kaanak ng nawawalang mga sabungero.

Aniya’y maari itong mangyari lalo pa’t patuloy pa rin ang isinasagawang mga pagsusuri sa mga umano’y butong nakolekta at narekober sa lawa ng Taal.

Ngunit paliwanag pa ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano, kinakailangan pa munang magkaroon ng sertipikasyon na ang mga narekober ay buto ng tao tsaka pa lamang isusunod ang pagsasagawa ng DNA testing.

Kaya’t kung sakaling hindi magtugma ang DNA ng mga rekober na buto at DNA samples ng mga kaanak, mabubuksan nito ang panibagong kaso bukod pa sa mga nawawalang sabungero.

Kanya namang tiniyak na kanila din itong iimbestigahan sapagkat aniya’y tao pa rin ang pinag-uusapan rito na kinakailangang maresolba at mabigyan ng hustisya.

Samantala, kanyang paglilinaw naman na hindi ito nangangahulugang mas malalawak ang saklaw ng imbestigasyon hinggil sa mga nawawalang sabungero.

Ngunit kanyang sinabi na ito’y magbubukas sa panibagong kaso na siyang kinakailangan ding sumailalaim sa masusing magkahiwalay na imbestagasyon.

Habang kasabay naman nito ang kanyang pagmamalaki na mayroon na silang mga sinunsundang ‘leads’ na siyang nakapagpapalakas sa imbestigasyong kanilang patuloy na isinasagawa.

Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Department of Justice hinggil sa pagkawala ng mga biktimang sabungero.

Nasimulan na rin ang ‘search and retrieval operations’ sa Taal Lake kaya’t tiwala ang naturang kagawaran na makatutulong o makadaragdag ito bilang ebidensya sa kanilang binubuong kaso laban sa mga sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.