-- Advertisements --

Aabot ng 730 milyong printed modules ang nakahanda nang ipamahagi sa mga estudyante ng public schools bilang paghahanda sa kanilang modular learning para sa nalalapit na nationwide school opening sa Oktubre 5.

Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), nasa 739,372,098 Self Learning Modules (SLMs) na ang kanilang na-print at sa nasabing bilang ay 730,739,147 printed SLMs ang nakahanda nang ipamigay sa mga mag-aaral.

Ayon kay DepEd Undersecretary at spokesperson Atty. Nepomuceno Malaluan, ang bilang aniya ng printed SLMs ay kumakatawan sa 98.92 percent ng mga modules.

Noong Hunyo 4 pa lamang umano ay sinimulan na ng nasa 25,602 na mga eskwelahan ang pamimigay ng SLMs at magpapatuloy ito hanggang sa pagbubukas ng kalse sa susunod na buwan.

Karamihan naman sa mga divisions ay ini-schedule na ang kani-kanilang distribution activities habang sinusunod ang minimum health protocols na pinapatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Handang handa naman ang education department sa pagbubukas ng school year ngayong taon.