ILOILO CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng otoridad hinggil sa motibo sa pagpaslang sa retired teacher sa loob ng kanyang bahay sa Zone 2, Barangay Tacas, Jaro, Iloilo City.

Ang biktima ay kinilalang si Rosa Argel, 90-anyos na dating elementary public school teacher at isang biyuda.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pol Lt.Col. Hilarion Roga, hepe ng Scene of the Crime Operations, sinabi nito na nadatnan nalang ng kanilang kapitbahay na nakabulagta at duguan ang biktima sa kanilang sala.

Ayon kay Roga, posibleng pinalo ng bote sa ulo ang biktima dahil may nakitang basag na bote malapit sa biktima.

Maliban dito, tinakpan din ng unan ang mukha ng biktima na posibleng naging dahilan ng pagkaka-suffocate nito.

Pagnanakaw ang sinusundang motibo matapos nadiskubreng may nawawalang gamit katulad ng mga alahas at pera.

Wala namang nakitang senyales na may forcible entry sa bahay ng biktima kung kaya’t malakas ang kutob ng pulisya na kakilala rin ng matanda ang pumatay sa kanya.

Sa ngayon , may mga persons of interests na ang mga otoridad na posibleng responsable sa nangyaring krimen.