Patay ang siyam na indibidwal na pinaniniwalaang miyembro ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah matapos na makipagsagupaan sa tropa ng mga militar sa Piagapo, Lanao del Sur.
Ayon kay Philippine Army public affairs chief Col. Louie Dema-ala, ang naturang engkwentro ay naganap sa Barangay Tapurog sa nasabing lalawigan na nagresulta naman sa pagkamatay ng naturang mga indibidwal na pinaniniwalaang kinabibilangan din ng ilan sa mga suspek sa madugong bombing incident sa Mindanao State University noong Disyembre 2023.
Mula sa naturang bilang, walo ang natukoy na ng mga otoridad na kinabibilangan nina Saumay Saiden o alyas Ustadz Omar, Abu Omar, Saumay, na isa sa apat na primary suspek sa naturang insidente.
Kabilang din sa mga nasawi ay ang isa pang teroristang kinilalang si Abdul Hadi alyas Hodi Imam, Abday’N na pinaniniwalaang nag-assemble ng improvised explosive device na ginamit sa MSU bombing.
Samantala, kaugnay nito ay nasamsam naman ng mga otoridad ang walong high-powered firearms na narekober matapos ang naturang engkwentro.
Habang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang hot pursuit operation ng militar sa iba pang suspek sa MSU bombig sa Marawi City kumitil sa buhay ng apat na katao at ikinasugat naman ng nasa 50 indibidwal.