KORONADAL CITY- Mahigpit ngayon ang seguridad na ipinapatupad sa Cotabato City kasunod ng pagsabog ng granada sa naturang lungsod nitong Linggo ng gabi.

Nangyari ang naturang insidente pasado alas 7 ng gabi sa Sinsuat Avenue kung saan ayon kay Major Homer Estolas, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sumabog umano ang isang sasakyan matapos hinagisan ng granada malapit sa ICC Cathedral kung saan nagbabantay ang mga kasapi ng Task Force Cotabato.

Batay sa inisyal na impormasyon, nasa walong kasapi nito ang sugatan habang inaalam rin kung may nadamay ring mga sibilyan.

Maliban dito, natagpuan rin ng mga otoridad ang dalawang IED at pinasabog sa isang ligtas na lugar kung saan ginamitan ito ng disruptor.

Ayon kay Estolas, wala pa silang grupong natutukoy sa panibagong insidente ng karahasan at kung ano ang motibo nito ngunit tiniyak na ginagawa nila ang lahat upang mapanagot ang mga responsable sa nasabing pagpapasabog.