CAGAYAN DE ORO CITY – Nadagdagan ang bilang ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagbalik loob sa pamahalaan sa probinsiya ng Bukidnon.
Ito’y matapos sumuko sa militar ang walong kasapi ng makaliwang grupo sa Purok 2, Brgy Mendis, Pangantucan, Bukidnon.
Kabilang sa mga sumuko sina alyas Joseph, alyas Jando, alias Felipe, Jaguar, alyas John/Jomar, alias Ribs, alias Rex at alyas Gamara.
Ayon kay 1st Special Forces Battalion, Special Forces Regiment (Airborne) civic military officer Major Frankjo Boral bitbit ng mga ito sa kanilang pagsuko ang M1 garand rifle, carbine rifle, .45 caliber, KG-9 submachine gun, dalawang baby Ingram submachine gun, at M79 grenade launcher.
Sinabi ni Boral sa Bombo Radyo na ang sobrang hirap sa pagtatago sa bukid at gutom ang pangunahing dahilan ng pagsuko ng mga ito.
Gusto rin umano ng mga surrenderee na bumalik sa normal ang kanilang buhay at makahanap ng magandang trabaho tulad nang ipinangako sa kanila ni Presidente Rodrigo Duterte.
Inamin rin ni Boral na malaki ang naging papel sa ipinangakong Hong Kong trip ng Pangulo sa pagsuko ng mga nasabing rebelde.