-- Advertisements --

Agad dumulog ang walong heinous crime convicts sa Supreme Court (SC) para kuwestyunin ang hindi pa nagkakabisang bagong balangkas na implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10592 o expanded good conduct time allowance (GCTA) Law.

Pinamgunahan ni Russel Fuensalida na nahatulan sa kasong rape noong taong 1993 ng Makati City Regional Trial Court (RTC) ang paghahain ng petisyon.

Sa kanilang petisyon hiniling ng mga ito na pigilan ng kataas-taasang hukuman ang Bureau of Corrections (BuCor) na ipatupad nang retroactive ang exclusion na nakasaad sa Section 1 ng RA 10592, gayundin sa ilang probisyon ng Revised IRR.

Ang exclusion ay tumutukoy sa mga disqualified na Persons Deprived of Liberty (PDL) na hindi dapat makinabang sa pinalawig na GCTA.

Kabilang na dito ang mga recidivist, habitual deliquent, mga tumakas mula sa bilangguan at mga nahatulan o nakasuhan ng heinous crime.

Naniniwala ang mga petitioner inmates na hindi naman kasama sa orihinal na text ng batas ang mga tinukoy na exclusion sa revised IRR.

Nais ng mga petitioner na ipawalang bisa ng SC ang transitory provisions ng revised IRR na tumutukoy sa mga PDLs na nakulong bago at matapos maging ganap na batas ang RA 10592.

Naniniwala kasi ang mga petitioners na paglabag ito sa “equal protection clause” at probisyon ng Revised Penal Code para sa retroactive application ng batas pabor sa akusado.

Inihirit din ng mga petitioner sa BuCor at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magsagawa ng recomputation sa kanilang credits sa ilalm ng GCTA para sa kanilang agarang paglaya.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina DoJ Secretary Menardo Guevarra, Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano, Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag at BJMP Chief Allan Iral.

Ang mga complainant naman ay sina Benjamin Galvez, Cerilo Obnimaga, Urbano Mison, Roland Gamba, Pablo Panaga, Rommel Deang, Toshing Yiu at Fuensalida.