Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may 766 healthcare workers na ang naitalang tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang naturang bilang ay binubuo ng 339 na doktor at 342 na mga nurse.
Kabilang din daw sa reported na numero ang 22 na namatay.
Kamakailan nang isali na rin ng DOH sa priority ng COVID-19 testing ang mga healthcare workers dahil sa kanilang exposure sa mga pasyenteng infected ng sakit.
Sa ilalim ng inamiyendahang guidelines, maaari na ring magpa-test ang mga healthcare workers na makakaramdam ng sintomas, gayundin ang mga asymptomatic pero may direct exposure sa confirmed patient.
Mataas na bilang pa rin ng confirmed COVID-19 cases ang naitala ngayong araw, batay sa pinakabagong case bulletin ng DOH.
Nasa halos 6,000 na ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa bansa bunsod ng 218 na nadagdag ngayong araw. Ang total sa ngayon ay 5,878 na.