-- Advertisements --

NAGA CITY – Sugatan ang pitong katao matapos na mabangga ng truck ang sinasakyang van sa kahabaan ng Rolando Andaya Highway, Barangay Comadaycaday, Del Gallego, Camarines Sur.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Markein Siman, 37-anyos, drayber ng van; at ang mga pasahero nito na sina Sunita Inonog, 60-anyos; Melanie Antonio, 41-anyos; Jemuel Aguillos, 32-anyos; at tatlo pang menor de edad.

Ayon kay PSSgt. Romeo Dela Vega, ang imbestigador ng nasabing insidente, sinabi nito na habang binabaybay umano ng van ang papalikong bahagi ng kalsada patungo sa Manila ng bigla na lamang itong mag-slide hanggang sa tuluyang tumagild sa kalsada.

Dito naman dumausdos ang van at nakain ang kabilang linya ng kalsada dahilan upang mabangga ito ng paparating na truck na minamaneho ni Rogelio Abad, 22-anyos.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang drayber ng van at ang mga pasahero nito habang hindi naman naano ang drayber ng nasabing truck.

Agad naman na dinala sa pinakamalapit ospital ang mga biktima para sa asistensya medikal.

Dagdag pa ni Dela Vega, sinasabing accident prone area talaga ang nasabing lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.