-- Advertisements --
Calbayog samar nag amok

TACLOBAN CITY – Aabot sa pitong katao ang patay habang dalawa naman ang sugatan matapos na mag-amok ang isang dating sundalo sa Purok 1, Brgy. Gadgaran sa siyudad ng Calbayog, Samar.

Ayon kay Col. Andrei Dizon, provincial director ng Samar Police Provincial Office (SPPO), kinilala ang mga biktima na sina Carlo Saldania, 28; Gary Saldania, 34; Jalita Ramada; Vicente Lozano, 66; Jimmy Jadulco, 45; at Leopoldo Molat, 64.

Natukoy naman ang suspek na si Gleen Balonan, 43, dating personnel ng Philippine Army at nakatira Brgy. Gadgaran, Calbayog at kasama rin sa mga namatay sa naturang insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan, dahil sa sobrang kalasingan ay nagwala si Balonan at nag-umpisang magpaputok ng kaniyang dalang pistola sa labas ng kanyang bahay.

Hindi pa ito nakontento at nagtatakbo na sa kanilang barangay at saka pinagbabaril ang sinumang kapitbahay na makikita nito.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis kung saan napilitan ang mga itong barilin ang suspek dahil hindi na ito maawat sa kanyang pamamaril.

Maliban sa mga namatay, naitala rin ang dalawang sugatan na sina Humphrey Tacaldo at Janine Bareto, parehong mga residente sa nasabing lugar.