Sa pagtataya ng OCTA Research group, posibleng pitong porsiyento ng COVID-19 cases sa Pilipinas ay Delta variant cases na.
Pero ito ay wala rin aniyang katiyakan sapagkat ang genome sequencing efforts sa kasalukuyan ay hindi rin naman nagpapakita ng aktwal na numero ng COVID-19 variant cases sa bansa.
Ayon kay Dr. Guido David, 100 cases per day lang ang sina-sample para sa sequencing, malayong-malayo sa mahigit 6,000 cases kada araw na average para sa buong Pilipinas.
Nauna nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nagsasagawa sla ng “purposive” sampling para sa genome sequencing.
Dito ay tini-test ang COVID-19 positive samples na karamihan ay sa mga lugar kung saan may naitatalang pagtaas sa bilang ng mga naitatalang kaso.
Sinabi ni David na ang Delta variant cases ngayon sa bansa ay nagpapakita na ng increasing trend, kapareho ng nakita sa United Kingdom.
Kung babalikan ang datos ng DOH hanggang noong Hunyo 24, aabot pa lang sa 9,351 samples ang na-test para sa genome sequencing.
Sa naturang bilang, 119 cases ng Delta variant mula sa India ang natuklasan, 1,773 cases ng Alpha variant mula sa United Kingdom, 2,019 cases ng Beta variant sa South Afria, at dalawang kaso ng Gamma variant mula naman sa Brazil.