
Nasawi ang 7 katao sa ikalawang insidente ng mass shooting sa nakalipas lamang na araw ngayong taon sa California matapos na pagbabarilin ng isang gunman ang dati nitong mga katrabaho.
Partikular na naganap ang pamamaril sa coastal city ng Half Moon Bay, California, USA.
Ito ay dalawang araw pa lamang mula ng mangyari ang pamamaril sa Monterey Park sa California noong Lunar New Year na ikinasawi ng 11 katao kung saan isang elderly Asian immigrant ang suspek na kalaunan ay nagbaril din sa sarili.
Lahat ng biktima sa panibagong mass shooting incident ay Chinese-American farm workers.
Agad namang naaresto ang suspek na si Zhao Chunli, 67 anyos na nagmaneho pa patungo sa local police station matapos ang krimen na may hawak na semi-automatic pistol na posibleng ginamit ng suspek sa pag-atake.
















