Aabot sa 67 health facilities sa Bicol region at Calabarzon ang napinsala ng nagdaang Super Typhoon Rolly, ayon sa Department of Health (DOH).
Magugunitang sinabi ng ahensya kamakailan na nasa P160-million ang tinatayang halaga ng iniwan na damage ng malakas na bagyo matapos salantian ang Region 5 noong weekend.
Kabilang sa inireport na pinsala ng DOH-Health Emergency Management Bureau, ay ang anim na retained hospitals, reference laboratory at training regional centers; tatlong local government hospitals; at 15 rural health units (RHUs) sa Bicol.
Habang apat ang health facility na napinsala sa Calabarzon, kabilang na ang dalawang RHU at dalawang barangay health unit.
Mayroon din daw 30 temporary and treatment monitoring facilties na naapektuhan ng pananalasa ni Rolly. Ang walo sa mga ito ay nasa Albay, 17 sa Camarines Sur at lima sa Camarines Norte.
“Patuloy tayo na nagbibigay ng tulong sa mga apektadong lugar upang mas masigurado na maging ligtas sila in the coming days,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Una nang nagbigay ng financial assistance ang DOH sa Region 5 Center for Health Development para matulungan ang mga ospital at lalawigang naapektuhan.
May inilaan din umanong P11.5-million halaga ng relief assistance ang ahensya.
“Kahapon ay may isang malaking eroplano na nagdala ng ating logistical supplies doon sa mga apektadong lugar.”
Nangako ang Health department ng patuloy na pagmo-monitor at makikipag-ugnayan sa sitwasyon ng mga pasilidad na sinalanta para maibalik ang health system ng rehiyon.