-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang 62 anyos na magsasaka matapos na mabangga ng isang motorsiklo habang papatawid sa pedestrian lane sa bayan ng Bani, lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Pmaj Dennis Cabigat, Officer in charge sa Bani Police Station, habang tumatawid sa kalsada ang biktima na si Sammy Calima Ignacio, 62 anyos, may-asawa ay hindi ito napansin ng driver kung kaya’t nabangga niya ito.

Kinilala naman ang driver ng motorsiklo na si Rico Osorio Calixsto, 22 anyos, residente ng Brgy. Ranom Iloco sa naturang bayan.

Sa isinagawang imbistigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas 9 ng gabi sa Barangay Ambabaay sa naturang bayan at doon na napag-alaman na wala palang lisensya ang driver.

Agad naman silang dinala sa pinakamalapit na hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ang biktimang si Ignacio.

Samantala ang driver naman na si Calixtro ay kasalukuyang nasa hospital at nagpapagaling.

Nagsampa naman ng kaso ang pamilya ng biktima kung kaya’t nahaharap ang driver sa kasong Reckless Imprudence resulting in homicide.